4 patay sa kambal na engkuwentro sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 08:36 AM | Updated as of Oct 11 2018 07:28 AM

MANILA - Patay ang 4 na lalaking lulan ng 2 motorsiklo sa hiwalay na engkuwentro laban sa mga pulis sa Tondo, Maynila ngayong Linggo. 

Sisitahin lang umano sana ng mga pulis ang unang pares ng magka-angkas na mga suspek matapos mag-counterflow ang kanilang motorsiklo sa Road 10. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pero biglang nagpaputok ang mga suspek kaya sila hinabol ng mga operatiba hanggang makorner at sumemplang ang kanilang motorsiklo, ayon kay Senior Insp. Dave Aberra, commander ng Smokey Mountain precinct. 

Nakipagbarilan aniya ang mga naka-maskarang suspek hanggang sa mapatay. Nakuha sa kanila ang 13 pakete ng hinihinalang shabu, isang magnum .22 at isang kalibre .38 na baril.

Sa bahagi naman ng Antipolo Street at Jose Abad Santos Avenue napatay ang ikalawang pares ng mga suspek na nakipagbarilan din umano sa mga pulis. 

Ayon kay Supt. Gerry Corpuz, hepe ng Manila police station 7, nagsumbong ang mga residente na paikot-ikot sa lugar ang mga suspek nang walang suot na helmet kaya sinundan ito ng mga pulis, pero bigla umanong nagpaputok ng baril ang mga ito. 

Hinihinala aniyang ang mga suspek ang nasa likod ng pagpatay sa isang pedicab driver sa Tondo nitong Sabad ng madaling-araw. 

Nakalap sa pares ang 9 na sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre .45 at isang kalibre .38 na baril. 

Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.