2 sugatan sa salpukan ng cement mixer, bus sa Commonwealth

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 09:10 AM | Updated as of Oct 09 2018 06:31 PM

MANILA - Dalawa ang sugatan matapos magbanggaan ang isang cement mixer truck at pampasaherong bus sa kanto ng Commonwealth Avenue at Mindanao Avenue sa Quezon City ngayong Linggo ng madaling araw.

Nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan ang driver ng truck na si Bernie Baldovina, 25 taong gulang, kaya isinugod agad ito sa ospital.

Dinala rin sa pagamutan ang inspektor ng bus makaraang masugatan ito sa braso.

Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon naman sa loob ng bus ang driver na si Pastor Davao Jr., pero hindi siya nasugatan.

Nahirapan ang mga awtoridad na alisin sa daan ang 2 naaksidenteng sasakyan na kapwa nayupi. Dahil dito, pansamantalang sumikip ang trapik sa lugar.

Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.