PatrolPH

Pagkuha sa labi ng Cessna plane crash victims malapit sa Mayon, pahirapan

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2023 05:32 PM

Nananatiling pahirapan para sa mga mountaineer ang pag-retrieve ng bangkay ng mga biktima ng Cessna plane crash sa Albay. 

Sinuspinde ang retrieval operations noong Huwebes lalo't mahirap at delikado sa crash site, malambot ang lupa, at walang matuntungan sa pinagbagsakan ng eroplano. 

Nakadagdag din ang zero visibility sa dalisdis ng Bulkang Mayon. 

"Mahirap talaga 'yung [pumunta sa area], kasi pag inaangat nila nang kaunti 'yung body, medyo dadausdos pababa 'yung mga boulder doon. Kaya hindi mababa," ani Camalig Mayor Carlos Baldo. 

"May isa pong trail du'n na isang tao lang ang makakalakad at magkabilaan noon ay malalim na bangin eh malakas ang hangin po doon at biglang sumasara, nagsasara ang clouds at fog kaya napakahirap. Ngayon bababa lang sila kapag naayos na ang anchor," ani Albay Safety and Emergency Management Office head Cedric Daep. 

Itinuloy din ang retrieval operations. 

Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nasa no-fly zone ang pinagbagsakan ng eroplano at nakataas pa rin daw ang notice dahil sa Alert Level 2 ng bulkan. 

"Isa 'yan sa dapat malaman ng mga imbestigador kung bakit napunta sila du'n sa particular area na 'yun na knowing na expert pilot ito at alam naman niya ang aming NOTAM (Notice to Airmen). So lahat ng anggulo titignan namin ito kung what led him to that crash site," ani CAAP spokesperson Eric Apolonio. 

Pinag-aaralan din ng CAAP ang iba pang dahilan sa pagkakapadpad ng eroplano sa lugar gaya ng masamang panahon. 

-- Ulat ni Aireen Perol 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.