PatrolPH

Bayad sa driving schools pinag-aaralang i-standardize ng LTO

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2023 05:29 PM

MAYNILA — Pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) ang standardization ng bayad sa mga driving school.

Isa sa mga requirement sa pagkuha ng driver’s license ay ang technical at practical driver’s course mula sa mga driving school.

Pinaiimbestigahan ni Pampanga 4th District Rep. Ana York Bondoc ang umano’y “anti-poor” na bayarin para makakuha ng lisensya sa LTO. Umaabot aniya ng P9,000 hanggang P15,000 ang gastos sa pagkuha ng lisensya, medical exam, at sa theoretical and practical driving course.

Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, administrative fees lang ang kanilang sinisingil at aminado siyang napapamahal ang gastos ng mga motorista sa mga bayarin sa driving school.

“We are not oblivious to this fact. Isa sa pinatignan ko agad is excessive pricing na tsina-charge ng driving schools… Kinonvene ko ang committee which heads schools for driving education,” ayon kay Tugade.

Ang Theoretical Driving Course (TDC) kasi ay naglalaro sa P1,500 hanggang P2,500, habang nasa P3,000 hanggang P7,000 ang bayad sa Practical Driving Course (PDC).

Pinag-aaralan na ng Technical Working Group ang pagpataw ng standard fee sa TDC at PDC pero dapat isaalang-alang ang gastos ng mga driving school depende sa lokasyon.

“Ang minimum wage sa Maynila ay iba sa Agusan. Ang presyo ng kuryente sa Maynila ay iba ng presyo ng kaysa sa Palawan. Pag-aaralan ang creating a standard rate structure for our driving schools and ang objective natin is for the benefit of the public,” ayon kay Tugade.

Sinabi rin ni Tugade na sakaling amyendahan ang pagre-require ng TDC at PDC sa pagkuha ng lisensya, susuportahan nila ito basta’t tatalima sa kanilang mandato sa road safety.


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.