Nanawagan ngayong Huwebes ang isang grupo ng mga mangingisda ng buwanang ayuda at pagtanggal ng excise tax sa harap ng serye ng mga oil price hike na nakakaapekto sa kanilang paghahanapbuhay.
Hiniling ang mga ito ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa isang protestang idinaos sa harap ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Quezon City ngayong bisperas ng EDSA People Power Revolution anniversary.
Naniniwala kasi ang Pamalakaya na pagkakataon ang paggunita ng People Power para ihayag ang hinaing nilang mga mangingisda.
"Burden ng maliliit na mangingisda, lalo na ‘yong mga gumamgamit ng motor sa bangka. Sa bawat pagtaas ng presyo ng gasolina, malinaw na bawas ‘yan sa kita ng mangingisda," ani Pamalakaya National Chairman Fernando Hicap.
Hiling din umano ng grupo ang P10,000 production subsidy kada buwan para sa krudo, at pagkukumpuni ng mga lambat at bangka.
Ayon pa kay Hicap, dapat nang amyendahan ang Fisheries Code, na pahirap umano sa mga malilit na mangingisda.
Isa sa mga reklamo nila ang panghuhuli sa mga mangingisda dahil sa illegal entry sa iba’t ibang mga bayan.
"Higit na nakikinabang dito, mga may fishing vessel. Kapag hindi ka rehistrado sa municipal fishing grounds, kapag pumasok ka roon, huhulihin ka kahit legal kang mangingisda," ani Hicap.
Nananawagan din silang itigil na ang importasyon ng mga isda dahil kaya namang suplayan ng mga lokal na mangingisda ang pangangailangan sa bansa at hindi pa maapektuhan ang kanilang industriya.
Ngayong linggo, tumaas na nang P20 ang presyo ng galunggong sa ilang pamilihan sa Metro Manila bunsod ng 8 sunod na linggong oil price hike.
Una nang inihayag ni Agriculture Secretary William Dar na may nakalaang P500 milyon para sa fuel subsidy sa sektor ng agrikultura.
— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, mangingisda, agrikultura, Pamalakaya, protest, ayuda, excise tax, EDSA, People Power, EDSA anniversary, fishermen, fishing industry