PatrolPH

Pulis, patay matapos bumangga ang sasakyan sa puno

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2021 11:54 AM | Updated as of Feb 24 2021 02:26 PM

Pulis, patay matapos bumangga ang sasakyan sa puno 1
Bumangga sa puno ng mangga ang sasakyang minamaneho ng pulis matapos umanong pumutok ang gulong nito sa harap. Larawan mula kay Valentina Ancheta Pimentel

Isang pulis ang nasawi matapos na bumangga ang kaniyang sasakyan sa isang puno sa Lal-lo, Cagayan, Lunes ng gabi.
 
Kinilala ang nasawi na si Senior Master Sergeant Icasiano Bosi Jr., 40-anyos, nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company ng Cagayan Police.

Ayon kay Major Reymond Asistores, hepe ng Lal-lo Police, minamaneho ng pulis ang kaniyang SUV sa national highway ng Barangay San Lorenzo nang biglang pumutok umano ang kanang gulong sa harap ng sasakyan.
 
Ito ang naging dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela ang pulis hanggang mapunta ang sasakyan sa kabilang linya ng kalsada at saka sumalpok sa puno ng mangga.

Sa tindi ng pagbangga, tumama pa ang sasakyan papunta sa isang kongkretong poste.

Nadala pa ng mga rescuer sa ospital ang pulis pero idineklara na siyang dead-on-arrival ng umasikasong doktor.

Kamakailan lang, nasawi rin ang isang pulis habang sugatan ang apat niyang kasamahan nang pumutok din ang gulong at maaksidente ang sinasakyan nilang police mobile sa Santiago City, Isabela.

 - Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.