PatrolPH

Mga may allergies, buntis dapat kumonsulta muna sa doktor bago magpabakuna vs COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2021 06:22 PM

Mga may allergies, buntis dapat kumonsulta muna sa doktor bago magpabakuna vs COVID-19 1
Nagsagawa ng simulation ng COVID-19 vaccination ang isang ospital sa Pasig City noong Pebrero 18, 2021. Mark Demayo, ABS-CBN News

Apat na buwan na mula nang gumaling sa COVID-19 si Alejandro Bautista pero sariwa pa rin sa kaniya ang pag-aagaw-buhay dahil sa sakit.

"Pakiramdam ko parang mamamatay na ako. Hindi ko na akalain na mabubuhay pa ako. Mabuti na lang at nabuhay pa rin ako," ani Bautista.

Aminado si Bautista na may alinlangan siyang magpabakuna kontra COVID-19 dahil sa maaaring maging epekto nito sa kaniya, bilang survivor ng sakit at senior citizen. Subalit takot din siyang muling tamaan ng virus.

Desidido naman ang mga tricycle driver na sina Reynaldo Sarmiento at Roden Decin na hindi magpabakuna.

"Mamaya doon kami bakunahan, doon pa kami magkaroon lalo ng sakit. Hindi natin alam kung totoo bang vaccine sa COVID 'yon," ani Sarmiento.

"Baka may epekto, katulad noong injection ng Dengvaxia," ani Decin.

Ayon sa isang infectious disease expert, totoo namang hindi para sa lahat ang bakuna kontra COVID-19.

"The only current contraindication to COVID-19 vaccination is an allergy to a previous dose of COVID-19 vaccine and any of its components," ani Dr. Kathryn Roa.

"So patients who have experienced an immediate allergic reaction whether mild, like rashes, or severe, like anaphylaxis, to COVID-19 vaccine after the first dose should not receive the second dose. And patients who have a history of allergic reaction or anaphylaxis to certain vaccine excipients," aniya.

Dapat umanong magpasuri sa mga allergist ang mga may allergies sa ibang bakuna at injectable medications, gayundin ang mga may allergies sa pagkain at gamot.

Pero ayon kay Roa, hindi nangangahulugang hindi na sila puwedeng mabakunahan.

Ayon pa kay Roa, dapat din munang magpakonsulta sa kanilang doktor bago magpabakuna ang mga immunocompromised, may comorbidities, buntis, at lactating women.

Sa brands ng vaccine, dapat iisa lang ang gamitin sa parehong dose dahil hindi interchangeable o puwedeng pagpalit-palitin ang gagamiting brand, batay sa rekomendasyon ng World Health Organization.

Ayon pa kay Roa, para sa mga may COVID-19, bago magpabakuna, dapat maghintay munang gumaling sila.

Dapat naman umanong maghintay nang 3 buwan ang mga nagpa-antibody therapy.

Sa mga COVID-19 survivor na nag-iisip na huwag nang magpabakuna, umaasa ang mga ekspertong mas makapagbibigay nang matibay na immunity ang bakuna dahil hindi pa batid kung gaano katagal ang natural immunity mula sa naturang sakit.

Para sa mga kinokonsiderang huwag nang magpabakuna gayong mataas naman ang COVID-19 survival rate, sinabi ni Roa na totoo namang gumagaling ang karamihan sa mga nagkakasakit.

Pero totoo ring nagkakaroon ng severe complications ang ibang pasyente at may mga nagkakaroon pa ng long-term health problems.

"Getting vaccinated protects you and the people around you, including those who are most at risk and those who cannot be vaccinated," ani Roa.

Ayon pa sa mga eksperto, kahit may bakuna, hindi nangangahulugang malapit nang matapos ang pandemya dahil may mga dapat pang isaalang-alang, tulad ng pagkamit ng herd immunity.

Kaya't ipinayo din muli ng mga eksperto na gawing bahagi ng pang-araw-araw ang pagsunod sa health protocols.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.