Pekeng dentista, huli sa entrapment sa Dagupan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2020 06:48 PM

MANGALDAN, Pangasinan - Inaresto ng National Bureau of Investigation - Pangasinan ang 55-anyos na pekeng dentista sa isinagawang entrapment operation sa loob mismo ng kaniyang dental clinic sa Mangaldan Public Market Lunes.

Paliwanag ng NBI, mismong ang Philippine Dental Association Pangasinan Chapter ang naghain ng reklamo laban sa pekeng dentista. 

“Bawal ito under Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007. Gumagawa talaga sila ng dental retainers, pustiso, at nagbubunot sila,” paliwanag ni Rizaldy Jaymalin, hepe ng NBI-Pangasinan.

Nakasaad sa naturang batas ang pag-regulate ng tamang dental practice, kabilang na ang pagkakaroon ng lisensya ng mga dentista, hygienist, at dental technologist.

Napagsabihan na umano ng PDA-Pangasinan Chapter ang may-ari ng dental clinic na itigil na ang ilegal na gawain, pero hindi pa rin ito sumunod.

“Alarming ito kasi ang daming natatanggap na reklamo, tapos may mga problem na talaga iyong mga pasyente na nagrereklamo,” ayon kag Dr. Fercima Sumera-Benitez, tagapangulo ng PDA-Pangasinan Chapter.

Sa buong Pangasinan, 30 dental clinics ang kanilang minomonitor dahil sa paglabag sa Philippine Dental Act.

Kakasuhan ng illegal practice of dentistry ang nahuli, kasama na ang kaniyang dental aide. Maari rin silang pagmultahin nang hindi bababa ng P200,000 pesos at makulong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.