P8-milyon shabu nakuha sa Zamboanga

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2019 12:06 PM

Nakalatag ang mga droga at perang nakumpiska mula sa isang drug suspect. ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P8 milyon na halaga ng hinihinalang shabu sa lungsod na ito, Linggo ng umaga.

Nakuha ang 1.3 kilo ng bawal na gamot kay Sofia Ibno, na inaresto matapos magbenta ng droga sa mga operatiba sa kaniyang inuupahang apartment sa Barangay Tumaga.

Pag-amin ng 33-anyos na suspek, ito ang unang beses na nagbenta siya ng droga.

Nakatakas naman ang kasamahan niya mula sa mga awtoridad.

Dating residente si Ibno ng kalapit na bayan ng Siocon, Zamboanga Del Norte. Hindi pa pamilyar ang kaniyang mukha sa mga lokal na opisyal ng Zamboanga City.

Galing din sa ibang lugar ang ilang drug suspect na nahuli sa magkakasunod na operasyon ng mga awtoridad kamakailan, ayon kay PDEA agent Jury Rocamora.

Hindi pa matukoy ang pinagmulan ng pinakabagong nakumpiskang droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.