Lalaking nagpanggap na miyembro ng gabinete timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2019 05:22 PM

Timbog noong Biyernes sa isang coffee shop sa Tomas Morato, Quezon City ang lalaking nagpanggap umanong miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), layon ng suspek na makahikayat ng investment mula sa mga malolokong kliyente.

Kinilala ang suspek na si John Patrick Cruz, na inaresto sa bisa ng isang warrant of arrest mula sa isang Quezon City Regional Trial Court.

Kuwento ng biktimang si alyas "Joe," nakilala niya si Cruz at kasama nitong si Lino Lim sa isang business gathering noong 2017.

Ibinida nilang assistant secretary at undersecretary sila sa mga ahensiya ng gobyerno.

May mga retrato at video pa umanong ipinakita ang mga suspek kasama ang ilang government official.

Dahil dito, nakumbinsing mag-invest ang biktima ng P12 milyon cash at P8 milyon na halaga ng sasakyan.

Nang makuha ang pera at kotse, nawala na ang mga suspek na nasa likod din umano ng isang online scam.

Ayon kay Superintendent Arnold Ibay, hepe ng CIDG, mahaharap si Cruz sa kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 habang pinaghahanap na ang kasabwat nitong Lim.

— Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.