Higit 30 'bloke ng cocaine' natagpuan sa Surigao Del Sur

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2019 01:58 PM | Updated as of Feb 24 2019 06:57 PM

Tatlumpu't apat na bloke ng hinihinalang cocaine na may halagang nasa P230 milyon ang nakuha sa karagatang sakop ng Tandag, Surigao Del Sur nitong umaga ng Linggo.

Pasado alas-6 ng umaga nang makita ng dalawang mangingisda ang isang malaking itim na balot na palutang-lutang sa may dagat sa Barangay Bongtud, ayon kay Chief Superintendent Gilbert Cruz, direktor ng Caraga police.

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos maghinala ang mga mangingisda na gaya ito ng iba pang mga bloke ng drogang nakuha sa ibang mga lalawigan, agad daw nila itong ipinagbigay alam sa mga awtoridad.

May markang dollar sign ang mga bloke, ani Cruz.

Dinala na sa crime laboratory ng Philippine National Police ang mga bloke para matiyak kung cocaine nga ang mga ito.

Nito ring buwan, nasamsam ang mga bloke ng hinihinalang droga sa mga dagat o dalampasigan sa Siargao Islands, Dinagat Islands, at Camarines Norte.

Nauna nang sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na maaaring ginagamit ng mga sindikato ang Pilipinas bilang "transshipment point" para sa cocaine.

Pero puwede rin daw "diversionary tactic" o pambaling ng atensiyon ang mga natatagpuan cocaine para sa pagpuslit ng shabu, ayon pa kay Aquino.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.