3 patay, 7 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2019 11:45 PM

Tatlo ang patay habang sugatan ang pitong iba pa sa magkakahiwalay na aksidente sa Isabela nitong Sabado at Linggo.

Sa bayan ng Tumauini, patay ang isang lalaki matapos sumalpok ang isang motor sa kasalubong na trak Linggo.

Base sa imbestigasyon, binabaybay ng motorsiklo na minamaneho ni Reynaldo Bitin Jr. ang highway na sakop ng Barangay Balug sa bayan ng Tumauini.

Pero dahil sa bilis umano ng patakbo ay nawalan ng kontrol ang motorsiklo at umagaw sa linya ng kasalubong na trak.

Sa lakas ng salpukan, tumilapon si Bitin na agad din namatay dahil sa tinamong sugat sa katawan at sa ulo.

Nagtamo naman ng kaunting sugat ang driver ng truck at isa nitong pahinante.

Linggo ng madaling araw nang maaksidente rin ang motorsiklo na minamaneho ni Jomar Zipagan sa highway ng Barangay Balasig sa bayan ng Cabagan.

Papasok na sana sa tulay ang motorsiklo pero nawalan ng balanse habang binabaybay ang pakurbadang bahagi ng kalsada.

Tuluyang nahulog ang motorsiklo sa pampang ng ilog kung saan natagpuan na walang buhay si Zipagan, habang sugatan ang dalawa niyang angkas.

Sabado naman ng gabi nang madisgrasya ang construction worker na si Gerald Balmes habang binabaybay ang highway ng Barangay San Isidro sa siyudad ng Ilagan.

Ayon sa pulis, lasing umano na nagmaneho ang biktima kaya nawalan ng kontrol sa kaniyang motorsiklo.

Nadala si Balmes sa pagamutan kung saan patuloy itong nagpapagaling sa mga tinamong sugat sa katawan.

Samantala, agad nasawi ang 66 anyos na si Danilo Umandal matapos salpukin ang minamaneho niyang motorsiklo ng isang kotse sa highway ng Barangay San Rafael sa bayan ng Roxas noong Linggo ng umaga.

Sugatan naman ang angkas niyang babae, pati ang drayber ng nakabanggaan nitong kotse na kapwa isinugod sa pagamutan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.