Tricycle driver, patay matapos kuyugin ng 10 katao sa Davao City

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 09:38 AM | Updated as of Oct 07 2018 07:55 PM

Namatay ang tricycle driver na si Saka Dimaampo matapos pagtulungang gulpihin ng di pa kilalang grupo, Sabado ng madaling araw sa Davao City. Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Natagpuang nakahandusay sa kalsada at wala nang buhay ang isang tricycle driver matapos kuyugin ng may 10 katao, Sabado ng madaling araw dito sa siyudad.
 
Nakilala ang biktima na si Saka Dimaampo, 42 anyos.

Ayon sa saksi, higit 10 katao ang nambugbog sa biktima pasado ala-1 ng madaling araw sa Bankerohan.

Dumating sa crime scene ang mga kaanak ng biktima at nanlumo nang makitang patay na si Dimaampo.

Ayon sa hipag ni Dimaampo na si Komini Timan, bago nangyari ang insidente, nagkaproblema ang biktima matapos ma-impound ang kaniyang minamanehong tricycle kaya kinagabihan ay naglasing ito.

“Magtago na sila kasi mahahanap din sila ng batas, mahuhuli rin sila,” ani Timan.

Nang suriin ng Central 911 ang katawan ng biktima, nakitang mayroon itong malaking sugat sa ulo na posibleng naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Patuloy pang iniimbestigahan ng San Pedro Police kung ano ang motibo at kung sino ang responsable sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.