SOCO: Mag-ina ng OFW sa Cavite, pinaslang

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 03:34 PM

 

 

Mula pagkabata ay magkakilala na sina Marlon at Ruby Gamos.

“Nag-umpisa kami nung pag-graduate namin ng elementary. Do’n ko siya nakilala...Maganda kasi si misis nung high school pa. Talagang haba ng buhok niyan. Siyempre marami ring nagka-crush sa kaniya,” kuwento ni Marlon.

Bagama't nagkaroon ng problema sa relasyon noong kolehiyo, nagkabalikan rin sila kalaunan.

“Nagbalikan na kami nung siguro first year or second year college.”

Taong 2010 nang mapagdesisyunang magpakasal ng dalawa. Mula noo’y sunod-sunod na biyaya ang dumating sa kanila.

Nagkaroon ng oportunidad si Marlon na magtrabaho sa ibang bansa bilang seaman. Nagkaroon rin sila ng isang anak na babae.

Para maibsan ang kalungkutan, madalas nagtatawagan at nagpapalitan ng mensahe sina Ruby at Marlon.

“Tuloy-tuloy naman 'yung tawagan namin. Every day tumatawag ako, constant talaga ang communication namin,” pag-alala ni Marlon.

“Sa tagal namin, hindi ko kasi naramdaman na hindi niya ako minahal. Kasi araw-araw, lagi siyang nagse-selfie, [sinasabi niya] ‘I love you, Daddy. Good night. Matutulog na kami. Ingat ka diyan lagi.’ Laging gano’n ‘yung set-up namin,” ani Marlon.

Pero simula Disyembre 8, 2017, hindi na nagparamdam pa si Ruby.

“Usual ko na ginagawa, naggu-good morning ako. ‘Morning, Mommy’ [pero] Naka-offline siya. Dapat magre-reply ‘yan, tapos tinawagan ko siya. Di ko ma-contact. Hindi pa nangyari ‘yan before,” pagtataka ni Marlon noon.

“Nag-alala na ‘ko no’n. Nag-post na ako noon. Sabi ko, feeling worried.”

Humingi ng tulong si Marlon sa kaniyang kapatid para tingnan ang kalagayan ng kaniyang mag-ina sa kanilang tahanan sa General Trias, Cavite.

“Pagpunta namin doon, wala ‘yung sasakyan. Walang ilaw. Pinicturan ko pa nga, tapos sinend ko [kay Marlon]. Sabi ko, ‘Wala dito si Ate Bing,’” ayon sa kapatid ni Marlon na si Karen.

Ilang beses nagpabalik-balik si Karen sa lugar pero hindi niya naaabutan ang mag-ina. 

Disyembre 11 nang makakuha ng clearance si Karen para mabuksan ang bahay. Doo’y natagpuan ang naaagnas na bangkay ni Ruby at 7-taong gulang niyang anak.

“Pagbukas ko, doon ko nakita ‘yung dalawa. Nakadapa sila, nasa bed, magkatabi,” ani Karen.

“Nasa decomposed state na siya, ibig sabihin, three or four days na po namatay,” ayon kay Chief Insp. Bryian Merino, Deputy Chief of Police ng General Trias, Cavite.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, walang palatandaan ng forcible entry sa lahat ng lagusan ng tahanan, ngunit napansin nilang ilang gamit ng mga Gamos ang nawawala.

“Para na akong binuhusan ng malamig na tubig, na parang hinampas ako. Di ko talaga alam ang gagawin ko,” pag-alala ni Marlon nang mabalitaan ang nangyari sa kaniyang mag-ina.

Sundan ang imbestigasyon sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.