Rebel returnees, isinuko ang mga armas sa Sarangani

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 09:52 AM | Updated as of Feb 24 2018 09:53 AM

Isinuko ng rebel returnees sa awtoridad sa Sarangani ang ilang matataas na kalibre ng baril. Sumasailalim na sila ngayon sa assessment at interview para sa tatanggaping cash assistance mula sa pamahalaan. Francis Canlas, ABS-CBN News

ALABEL, SARANGANI – Nasa 15 dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagbalik-loob sa gobyerno ang sumailalim na sa assessment at interview para sa tatanggaping cash assistance mula sa pamahalaan Biyernes ng hapon.

Ang grupong ito ay kabilang sa iba pang mga sumukong NPA mula South Cotabato na nakatakdang dalhin sa Malacañang para ipresenta kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasamang isinuko ng ilan sa kanila ang siyam na matataas na uri ng baril.

Karamihan sa mga sumuko ay mga miyembro ng Front Committee 71 at 75 ng NPA dito sa bayan.

Sila umano ang mga NPA members na sumuko simula noong Disyembre 2017 hanggang ngayong Pebrero.

Ilan sa mga sumuko ay may matataas na katungkulan sa grupo, tulad ni alyas Alvin na anim na taong naging kasapi ng NPA. 

Dismayado umano siya dahil walang tinupad na pangako sa kaniya ang grupo. Ang masaklap pa umano, bilang lider, hindi niya nadadalaw ang kaniyang pamilya. Ang pananabik sa pamilya ang nag-udyok sa kaniyang sumuko na sa gobyerno.

Kasama niyang sumuko si alyas Arnie na dati nang nagbalik-loob sa gobyerno noong 2015. Muli raw siyang kinumbinsi ng dati niyang kasamahan para maging isang political guide. Pero lalo lang umano siyang nadismaya dahil wala umanong pinagbago ang grupo kaya muli siyang sumuko sa gobyerno nitong Pebrero 15 lang.

Hindi na isinapubliko ng militar ang pagkakakilanlan ng mga nagsipagsuko.

Bukod kay alyas Arnie na sumailalim na sa livelihood program noong una niyang pagsuko, mabibigyan naman ang iba ng cash assistance sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program o CLIP. May katumbas din na cash ang isinuko nilang baril.

Ang pagbibigay tulong sa mga sumukong rebelde ay bahagi ng kampanya ng pamahalaan upang masugpo ang matagal nang leftist insurgency. 

Nauna nang naudlot ang usapang pangkapayapaan matapos itong ipatigil ng gobyerno dahil sa patuloy na pag-atake ng NPA sa kabila ng negosasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.