Mga paakyat ng Baguio para sa Panagbenga, dagsa na sa mga bus station

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 06:59 PM | Updated as of Nov 11 2019 05:50 PM

Watch more in iWantTFC

Dumagsa sa mga bus terminal ang mga aakyat ng Baguio para panoorin ang Panagbenga festival.

Naghintay ng ilang oras ang ilan sa mga pasahero bago makasakay ng bus.

Si James Tugado, sabik umakyat ng Baguio dahil unang beses niyang manonood ng Panagbenga. 

Maagang pumila si Tugado para kumuha ng tiket.

Ang mag-anak naman ng magkapatid na sina Baby Martinez at Susan Batyelzo, nagpa-reserba na ng biyahe. 

Ayon sa isang bus line, mas kaunti umano ang umakyat ng Baguio ngayong taon.

Dati kasi, walang tigil ang biyahe nila hanggang matapos ang pista, habang ngayon ay mula alas-9 ng gabi hanggang ala-1 ng madaling araw lang sila napuno.

Naglalaro sa 5 hanggang 7 oras ang biyahe paakyat ng Baguio, depende sa bus line.

Ginanap ngayong araw ang Grand Street Parade ng Panagbenga, habang sa Linggo naman ang Grand Float Parade.

Nag-isyu na rin ng special permit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa karagdagang 127 units ng bus na bibiyahe pa-Baguio mula Pebrero 22 hanggang 27.

Bukod sa Panagbenga, magdadagdag din ng bus units ang ahensiya para sa biyaheng Baguio sa darating na Holy Week mula Marso 26 hanggang Abril 2.

--Ulat ni Isay Reyes at Apples Jalandoni, ABS-CBN News