Mga NGO nagmartsa bilang suporta sa 'Oplan Tokhang'

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 05:00 PM

MANILA - Daan-daang miyembro ng mga non-government organization (NGO) ang nagtipon sa punong himpilan ng pambansang pulisya sa Camp Crame upang ipakita ang kanilang suporta sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Ang mga nasabing NGO gaya ng Crime Watch Force ay tumutulong daw sa Philippine National Police para magpakalat ng impormasyon tungkol sa hindi magandang epekto ng droga sa mga tao at sa komunidad. 

Bukod sa mga NGO, kasama rin sa aktibidad ang mga pulis. 

Nagmartsa ang mga grupo sa EDSA mula sa Camp Crame paikot ng Ortigas Avenue. 

Tinawag nilang "Lakad Tokhang 2" ang martsa kung saan may mga dala silang banner at poster bilang suporta sa panibagong "Oplan Tokhang."

Nitong nakaraang buwan, muling bumalik ang pulisya sa kampanya laban sa ilegal na droga at inilunsad muli ang "Oplan Tokhang," kung saan kumakatok ang awtoridad sa bahay ng mga drug suspect upang hikayatin silang sumuko. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.