Mga gamit ng Phivolcs malapit sa Mayon, nawawala na naman

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 02:54 PM

LEGAZPI CITY- Nawawala ang ilang gamit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa hydrology station nito sa Barangay Padang na kabilang sa nagmo-monitor sa aktibidad ng Bulkang Mayon.

Sira na ang padlock ng aluminum na lalagyan at wala na ang 2 baterya at 2 solar panel ng ahensiya nang matagpuan ito ng mga tauhan ng Phivolcs.

Nawawala ang kagamitan sa hydrology station ng Phivolcs malapit sa Bulkang Mayon. Karren Canon, ABS-CBN News

Ayon kay Legazpi Phivolcs resident volcanologist Ed Laguerta, naglagay sila ng hydrology station sa Barangay Padang para mabantayan ang antas ng tubig sa paanan ng Bulkang Mayon na isa rin sa mga tinitingnan nilang sukatan ng aktibidad ng bulkan.

Tinatayang nasa P35,000 ang halaga ng mga nawawalang gamit.

Noong nakaraang buwan, nawalan rin ng solar panel at mga baterya ang ahensiya sa Barangay Padang.

Siniguro naman ng Phivolcs na hindi maaapektuhan ang kabuuang pagbabantay nila sa aktibidad ng bulkan dahil sa pagkawala ng mga gamit.

Mayroon pa naman kasing ibang hydrology station na itinayo ang Phivolcs sa paligid ng bulkan.

Nanawagan naman ang Phivolcs sa publiko na makipagtulungan na mapangalagaan ang mga gamit na inilalagay nila sa paligid ng bulkan para na rin sa kaligtasan ng mga tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.