Lalaki timbog sa buy-bust sa apartelle sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 10:19 AM

MAYNILA - Kalaboso ang isang lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang apartelle sa Barangay Kaunlaran, Biyernes ng gabi.

Residente ng Barangay San Martin de Porres ang 40-anyos na suspek na aminadong gumagamit ng droga. 

Ayon kay Supt. Louise Tremor, hepe ng QCPD Station 7, dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ang suspek at nasa barangay drug watchlist.
 
Aniya, mga vendor at tricycle driver ang mga parokyano ng suspek lalo pa't nasa sentro ng Cubao ang pinili nitong hotel kung saan umano siya nagbebenta. 

Ayon naman kay Senior Insp. Ramon Aquiatan, hepe ng Station Drug Enforcement Unit ng QCPD Station 7, inatasan na nilang mag-report ang pamunuan ng mga hotel sa barangay o pulis dahil ginagawa na rin itong bentahan ng mga tulak ng droga. 

Narekober sa suspek ang walong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P8,000 at P500 na buy-bust money.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.