Lalaki, patay matapos barilin ng pulis na sinaksak niya sa Sampaloc

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 06:02 AM | Updated as of Nov 12 2019 02:56 PM

Watch more in iWantTFC

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng isang pulis na sinaksak niya sa Sampaloc, Maynila Sabado ng hatinggabi.

Sa kuha ng CCTV, nakatambay si Reynaldo Lee sa J. Fajardo St., Barangay 441 alas-12:30 a.m.

Maya-maya, bigla niyang hinabol si PO1 Gester Versoza na naka-motorsiklo at saka pinagsasaksak niya.

Tumakbo ang pulis at pinagbabaril si Lee hanggang sa humandusay siya sa gitna ng kalsada.

Isinugod pa sa ospital ang suspek pero binawian ng buhay.

Ayon naman sa mga nakakakilala kay Lee, problemado umano siya at nakikipagtalo sa kaniyang nanay nang mangyari ang insidente.

Narekober sa crime scene ang kutsilyo na sinasabing ginamit ng suspek at 7 basyo ng 9-mm na service firearm na ginamit ng pulis.

Kuwento naman ni Versoza, pauwi na siya nang bigla na lang siyang pagsasaksakin ni Lee.

"Akala ko mamamatay na ako. Naisip ko na lang pamilya ko," aniya. "Sana maintindihan niyo ako . . . Di ako puwede mamatay kasi manganganak asawa ko."

Itinanggi naman niya na kilala niya ang suspek.

Si Versoza ay nakatalaga sa intelligence division ng Manila Police District Station 7.

Ite-turnover siya sa homicide division ng Manila Police District para iimbestigahan.

-- Karagdagang ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.