Korean patay sa pananambang sa Mandaue

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 05:16 PM

Patay ang isang Korean matapos tambangan ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo, Biyernes ng gabi sa Mandaue City.

Dead on arrival sa pagamutan ang biktimang nakilalang si Sangho Lee.

Minamaneho ng biktima ang kaniyang sasakyan sa AS Fortuna Street nang pagbabarilin ng mga salarin. 

Ayon sa isang nakasaksi sa insidente, kapwa naka-bonnet ang mga salarin. Lumapit umano ang mga ito sa driver’s side at pinagbabaril ang biktima. Ayon pa sa saksi, nakarinig siya ng anim na putok ng baril.

Nagawa pa umano ng biktima na makapagmaneho ng ilang metro at nakasagi ng isang sasakyan.

Nagtungo na sa morge ang kinatawan ng konsulado ng Korea sa Pilipinas. Bagama’t di nagbigay ng pahayag, nanghingi umano sila sa pulisya ng kopya ng CCTV ng isang establisimyento malapit sa pinangyarihan ng pamamaril.

Patuloy namang iniimbestigahan ng awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.