Hustong parusa, hiling ng pamilya ni Demafelis para sa pumatay sa OFW

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 11:47 AM | Updated as of Oct 08 2018 11:30 AM

Hawak ni Eva Demafelis ang larawan ng anak na si Joanna, na natagpuang patay sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait nitong buwan. Regi Adosto, ABS-CBN News

SARA, Iloilo (UPDATE)- Parusang katumbas ng hirap na dinanas ng kaanak na si Joanna Demafelis ang nais na ipapataw ng kaniyang pamilya sa mga suspek sa pagpatay sa OFW sa Kuwait.

“'Yung kailangan naming magkakapatid 'yung hustisya para sa aming kapatid. Kailangan din namang maparusahan ng husto 'yung gumawa [niyan] sa kaniya,” ayon kay Joejet Demafelis, ang nakatatandang kapatid ni Demafelis.

Tila nabunutan ng tinik sa dibdib si Joejet matapos malamang nahuli na ang isa sa mga suspek sa pagkamatay ni Joanna.

Biyernes nang inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasa kustodiya na ng awtoridad sa Lebanon si Nader Essam Assaf.

Si Assaf at asawa nitong Syrian na si Mona ang mga principal suspect sa pagpatay kay Demafelis, na nanilbihan sa kanila bilang domestic worker. 

Umaasa rin ang Malacañang na agad mapaparusahan ang mga pumatay kay Demafelis.

"We're thankful but hoping that they will be prosecuted and punished soonest," ani Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Sabado.

(Nagpapasalamat kami pero umaasa kami na makakasuhan at mapaparusahan agad ang mga suspek.)

Dagdag pa ni Roque, inutusan na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Bureau of Investigation na hanapin ang mga recruiter ni Demafelis.

Mahigit isang taong walang balita ang pamilya Demafelis mula kay Joanna bago nadiskubre ng awtoridad ang bangkay nito sa loob ng isang freezer sa abandonadong apartment sa Kuwait ngayong buwan lang din.

May nakitang senyales ng pang-aabuso sa kaniyang bangkay. 

Ayon kay Joejet, hindi pa man nila nakumpirma sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang balita, lubos na silang nagpapasalamat dahil umuusad ang paghahanap ng hustisya para sa kaniyang kapatid.

Hiling din ng pamilya na sana ay agad na ring mahuli ang babaeng employer na pinaniniwalaang nambugbog kay Demafelis. 

“Kung nahuli man siya (Assaf), nagpapasalamat po kami, nakamit na 'yung hustisya ng aming kapatid, at sana 'yung babae mahuli na rin,” sabi niya.

Samantala, tiyak na ang araw ng libing ni Demafelis sa Marso 3 at inaasahang mangunguna sa misa si Archbishop Angel Lagdameo ng Archdiocese ng Jaro, Iloilo.

Ang pagkamatay ni Joanna ay isa lamang sa mga kaso ng pagkamatay ng ilang OFW sa Kuwait na nagtulak sa pamahalaan ng Pilipinas na magtakda ng total ban sa deployment ng mga manggagawang Pinoy sa naturang bansa.

Nagpatupad na rin ng repatriation program ang pamahalaan upang makauwi ang mga OFW sa Kuwait na nais nang bumalik sa bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.