Daan-daang katao dumalo sa 'Walk for Life' sa Dagupan

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 01:19 PM | Updated as of Feb 24 2018 05:53 PM

Sinuportahan ng daan-daang katao ang "Walk for Life" na isinagawa sa Dagupan City, Pangasinan bilang pagtutol sa death penalty, extrajudicial killings at abortion. Michelle Soriano, ABS-CBN News

DAGUPAN CITY (UPDATE) - Daan-daang katoliko ang nakilahok sa ginanap na “Walk for Life” Sabado ng madaling araw dito sa siyudad. 

Bitbit nila ang mga karatula na nananawagang itigil ang mga nagaganap na patayan sa ilalim ng war on drugs ng gobyerno.
 
Bago ito, nanalangin muna sila nang taimtim sa loob ng katedral at saka nakinig sa mensahe ng tagapagsalita ng Lingayen-Dagupan Archdiocese na si Bishop Elmer Mangalinao tungkol sa pagiging sagrado ng buhay.

“Hindi pa rin naman natitigil ang mga patayan na nagaganap sa ngalan ng sinasabing war on drugs. Bukod doon, ito ay paggising sa lahat ng tao na ang buhay ay sagrado," ayon sa kaniya. 

"Ito ay galing sa Diyos, kaya sa mga tao na nagnanais na ito ay tapusin, patayin, patigilin, hindi ito nararapat sa sinuman na kumikilala sa Diyos na nagbibigay buhay,” ayon kay Mangalinao. 

Ayon naman sa Malacañang, ang Walk of Life ay isang patunay na buhay ang kalayaan at demokrasya sa Pilipinas.

"As we all know, President Rodrigo Roa Duterte is open to constructive criticism. He allows everyone, including protesters, to fully exercise their right to express their grievances within the bounds of the law. Today’s "Walk for Life" is a testament that democracy and freedom are very much alive in the Philippines," ani Presidential spokesperson Harry Roque.

(Bukas si Pangulong Rodrigo Duterte sa nakatutulong na kritisismo. Pinapayagan niya ang lahat, pati ang mga nagpoprotesta, na maglabas ng kanilang mga hinaing batay sa nakapaloob sa batas. Ang "Walk for Life" ngayon ay isang patunay na buhay ang demokrasya at kalayaan sa Pilipinas.)

Nauna nang ipinagtanggol ng gobyerno ang kampanya laban sa droga at sinabing ang mga napapatay na suspek sa mga operasyon ng pulisya ay pawang nanlaban. 

Ayon sa ilang nakilahok sa pagtitipon, ang death penalty at abortion ay kasama rin sa mga kumikitil sa buhay ng tao na dapat hayagang tutulan ng lahat.

“Nakikita natin 'yung malaking pagbabago sa ating lipunan, lalong-lalo na ang hindi pagpapahalaga [sa] buhay. Halimbawa, 'yung pagkitil ng buhay sa sinapupunan o kaya 'yung ginagawa ng ating pamahalaan tungkol sa war against drugs, 'yung extra-judicial killings, 'yung mga biktima ng injustices,” ayon kay Tony Supremido, isa sa mga dumalo.

Ikinatuwa ng simbahan ang pangako ni Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa na hindi kasing dugo ng naunang Oplan Tokhang ang war on drugs ngayon.

“Nakita naman natin na ito ay napatigil sumandali at ito ay muling naibalik at gumawa sila ng iba’t ibang pamamaraan para masama ang iba’t ibang tao sa pagdalaw sa iba’t ibang tahanan," ani Mangalinao. 

"Nakikita naman na may ginagawa sila. Subalit, kaya ginagawa ang araw na ito, hinihikayat ang pamamaraan ng pamahalaan na higit na maging maka-Diyos, maging makatao at maging magalang sa buhay,” dagdag pa niya.

Panawagan ng simbahan, maging maliwanag sa isip ng awtoridad na idaan sa tamang proseso ang pagtugis at paglilitis sa mga lumalabag sa batas.

Bukas naman daw ang simbahan sa mga taong nalalabag ang karapatan na nangangailangan ng proteksyon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.