ALAMIN: Mga isasarang kalsada sa anibersaryo ng EDSA People Power

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 10:56 PM

Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga isasarang bahagi ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) at White Plains Drive kasabay sa paggunita sa ika-32 anibersaryo ng People Power Revolution sa Linggo.

Ayon sa MMDA, panandaliang isasara ang Ortigas Avenue hanggang Santolan (northbound) mula 12:01 a.m. hanggang 6 a.m. ng Linggo

Ang 2 outer lanes naman ay isasara sa mga sasakyan pero ang 3 inner lanes mula Edsa-Ortigas flyover hanggang Aguinaldo Gate ay maaaring daanan ng mga motorista. 

Samantala, ang parehong direksyon ng White Plains Drive, mula Temple Drive hanggang EDSA, ay kabuuang isasara mula 12:01 a.m. hanggang matapos ang pagtitipon.

Ang mga apektadong motorista ay pinapayuhang gumamit ng alternatibong ruta. 

Ayon kay MMDA acting general manager Jojo Garcia, magpapakalat sila ng di bababa sa 150 traffic enforcer para mandohan ang mga kalsada.

Magsisilbi naman ang White Plains Drive bilang lugar para sa mga serbisyong medikal, dental at optikal gaya ng libreng eye check-up at reading glasses.

Bukod pa riyan, mayroon din daw "Diskwento Caravan" kung saan makabibili ng pagkain at mga produktong katutubo gaya ng leather goods sa mas murang halaga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.