2 lalaki, arestado sa buy-bust sa Laoag

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 04:54 AM

Arestado ang 2 lalaki sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Laoag, Ilocos Norte Huwebes ng hapon.

Unang ikinasa ang operasyon sa isang drug surenderee sa Barangay Balatong.

Narekober mula sa suspek ang 2 sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon naman sa nahuli, nagpapahinga lang umano siya sa kubo kung saan naganap ang transaksiyon.

Sumunod na inaresto ang isang tricycle driver sa Barangay 2.

Nasamsam sa suspek ang 3 sachet ng umano'y shabu.

Inakusahan naman ng nahuli ang pulisya na set-up umano ang nangyari.

Itinanim umano ng mga operatiba ang droga na nakuha mula sa kaniya.

Ayon naman kay Insp. Andres Daquial ng Laoag City Police Station, walang iregularidad sa nasabing operasyon.

"Sa korte natin sasagutin 'yan. Sa korte nalang mag-uusap," aniya.

Mahaharap ang mga nahuli sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.