MAYNILA - Pumalag ang grupo ng sugar workers sa umano'y pagmamadali na mag-angkat ng asukal ng Department of Agriculture (DA).
Ayon sa National Federation of Sugar Workers, maituturing na economic sabotage ang ginawang hakbang ng DA.
"Bakit tayo nagmamadali eh nasa peak tayo ng ating harvest? Wala tayong dapat ikabahala sa supply. Alam naman natin, it's an open secret na within SRA and DA na maraming sindikato ng traders dito sa ating bansa lalo na sa sugar importation," ayon kay Butch Lozande, miyembro ng grupo.
Tila wala na rin anilang saysay ang Sugar Regulatory Administration kung mamadaliin lang din ng DA ang proseso sa importasyon.
Matatandaang isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros ang tila pagmamadali ng pag-angkat ng asukal.
Lumalabas na Enero pa lang o mahigit 1 buwan bago maaprubahan ang Sugar Order No. 6 ay may importer nang inutusan na mag-angkat ng inaabot sa 450,000 metric tons ng asukal.
Inamin naman ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na minadali niya ang pag-aangkat ng asukal. Pero depensa niya na alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
"I acted with haste and interpreted the memorandum of the Office of the Executive Secretary as an approval to proceed with the importation," ani Panganiban.
Para kay Hontiveros, dapat maging handa ang mga opisyal ng DA na humarap sa seryosong kasong kriminal at administratibo.
Hinimok din niya si Executive Secretary Lucas Bersamin na magsalita at harapin ang isyu.
Pero kung tatanungin naman ang United Sugar Producers Federation of the Philippines (UNIFED), hindi basta-basta dapat tawaging ilegal ang ginawa ni Panganiban.
"Dapat they should hold the shipment until everything is clarified, kapag nakita na ang mga papeles," ani Manuel Lamata ng UNIFED.
Pinaiimbestigahan na rin ng sugar producers ang manipulasyon sa presyo ng asukal.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.