Passengers take a jeepney ride in Las Piñas City. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Hindi agad mawawala ang mga traditional jeepney sa mga kalsada, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Nangamba ang mga operator at drayber sa ibinigay ng LTFRB na deadline na Hunyo 30 para sa industry consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Pero paliwanag ni LTFRB Technical Division Head Joel Bolano, maaari pang mamasada ang mga traditional jeep basta’t dumaan na sa industry consolidation ang operator.
“Hindi naman ibig sabihin na kapag sumali ka, papalit ka agad ng unit. Based sa MC (memorandum circular), kapag sumali ka, even if traditional ka pa rin, you can still operate. Ang ina-address lang po ng Board is the first component, which is the industry consolidation,” paliwanag ni Bolano.
Nakasaad din sa circular na mawawalan na ng bisa ang provisional authority ng mga operator na hindi makakasali o walang aplikasyon sa anumang kooperatiba o korporasyon hanggang June 30.
Hiling ng transport groups, bigyan sila ng isang taong palugit para makasunod sa industry consolidation.
“Ang tingin ko diyan magkakaroon ng pagkukulang sa mga sasakyan dahil hindi naman ganoon kadali na mag-modernize,” ayon kay ALTODAP Chairman Boy Vargas.
Sa datos ng LTFRB, nasa 158,000 units ng jeep sa buong bansa ang target na maisama sa programa.
Sa ngayon, nasa 61 porsiyento pa lang ang nakasali sa mga kooperatiba at korporasyon.
Nasa 5,300 naman ang modernized units ng jeepney.
Umaasa ang LTFRB na mas maraming operator at tsuper ang makasusunod sa consolidation hanggang June 30.
Kumpiyansa rin silang hindi magkakaroon ng krisis sa transportasyon kung tigil-pasada na ang mga operator na hindi nakapag-consolidate.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.