PatrolPH

Pulis dawit sa pamamaril ng estudyante, kinasuhan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2022 08:03 PM

Kinasuhan ang isang pulis matapos umano nitong barilin ang isang estudyante sa Quezon City habang siya'y lasing.

Patong-patong na kaso ang kinahaharap ng suspek na si Corporal Raymart Rigor maging ang ibang pulis na sinasabing nag-cover up o pinagtakpan ang ginawa niya.

Aabot sa 7 pulis ang naka-hold sa headquarters ng QCPD sa Camp Karingal kaugnay ng insidente. 

Base sa kuha ng dashcam video ng sinasakyang TNVS ng 22 anyos na biktimang si Ad Castro, tumigil ang motor na sinasakyan ni Rigor sa may Scout Rallos Extension. 

May dinampot umanong nahulog na bagay ang pulis bago lumapit sa sasakyan at nanutok ng baril. 

Ayon kay Castro, unti-unting umatras ang sinasakyan niya nang manutok ng baril ang pulis.

Bumaba umano si Castro ng sasakyan para makiusap sa kasunod ng sasakyan na umatras din dahil one-way ang kalye. Doon umano siya binaril ni Rigor. 

Nadala si Castro sa ospital at naoperahan dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Dumulog sila Castro sa tanggapan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, na siya namang lumapit sa Quezon City Police District (QCPD) para imbestigahan ang nangyari.

Lumabas sa resulta ng ballistics test na nag-match ang bala na nakuha sa katawan ni Castro sa baril ni Rigor, na kalauna'y sumuko.

Ayon kay QCPD Director Rex Medina, umamin si Rigor na nakainom siya kaya nabaril ang biktima.

Natuklasan din ng QCPD na tila may cover-up na ginawa ang 2 pulis na nag-imbestiga ng kaso.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.