Sundalo patay sa pamamaril ng kasamahan sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2021 03:24 PM

Patay ang isang lalaki matapos umanong mabaril ng kaniyang kapwa sundalo sa loob ng kanilang kampo sa Alcala, Cagayan nitong Lunes.

Dinala pa sa ospital pero idineklara ring dead on arrival si Sgt. Paulino Gavino Jr., na miyembro ng 77th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Ayon kay Lt. Orlan Capili, hepe ng Alcala police, nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek tungkol sa kanilang deployment.

"'Di ko alam kung nakainom or whatsoever, basta nagkairingan sila. Then pumunta doon sa kwarto itong suspek, kinuha 'yong baril niya, saka binaril 'yong senior niya," ani Capili.

Sumuko naman ang suspek na si Cpl. Rickson Rulloda.

Sinampahan ng kasong murder ang suspek, na nakadetene sa Alcala Police Station.

Mahaharap din si Rulloda sa kasong administratibo, ayon sa pamunuan ng 5th Infantry Division ng Philippine Army.

-- Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.