Relocation ng mga dating rebelde sa bansa, pinatututukan sa isang task force

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2021 08:54 PM

MAYNILA - Ipinagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng isang task force para tutukan ang kapakanan ng rebel returnees, ayon kay Cabinet Sec. Karlo Nograles nitong Martes.

Ani Nograles, kabilang ito sa mga napag-usapan sa Cabinet meeting sa Malacanang Lunes ng gabi.

Nai-report aniya kay Duterte ang pamamahagi ng Department of Agrarian Reform sa rebel returnees ng nasa higit 6,000 hektarya na lupa sa Cagayan Valley, Bicol, Eastern Visays at Davao Region.

“Gusto po natin mapabilis ang pag-distribute nito dahil alam po natin na napakalaki ng role nito para sa ating peace efforts,” ani Nograles.

Ipinag-utos rin ng Pangulo sa pulisya at militar na maglatag ng security measures sa mga lupang pagmamay-ari ng pamahalaan, at ang pagtukoy ng iba’t ibang ahensya ng mga hindi nagagamit na lupa ng gobyerno na maaaring gamitin rin sa land distribution program para sa rebel returnees.

Nakikita aniya ni Duterte ang pangangailangan ng isang whole-of-nation approach para sa livelihood support projects ng gobyerno para sa kanila.


RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC