Pickup bumangga sa poste sa Tuguegarao; 4 patay, ilang lugar nag-brownout

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2021 04:39 PM

Bumangga ang isang pickup truck sa poste ng kuryente sa Tuguegarao City noong Pebrero 22, 2021. Retrato mula kay Reymark Aldrin Catubag

Patay ang 4 na pasahero ng isang pickup truck matapos bumangga ang sasakayan sa poste ng kuryente sa Tuguegarao City noong gabi ng Lunes, isang insidenteng nagdulot ng brownout sa ilang lugar sa lungsod.

Sa paunang imbestigasyon ng Tuguegarao police, binabaybay ng sasakyan ang national highway sa may Barangay Centro 12 nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver.

Bumangga sa 2 magkatabing poste ng kuryente ang sasakyan.

“Kung titingnan ‘yong impact, posibleng mabilis ang takbo nitong sasakyan,” ani Police Lt. Jhonalyn Tecbobolan, hepe ng Tuguegarao police.

Inabot nang ilang oras bago nakuha ang 2 sa 5 sakay ng sasakyan matapos maipit ang mga ito.

“’Yong dalawa, naipit kasi sila. Hindi basta-basta mahugot kaya huli na sila naitakbo ng mga pulis sa ospital,” ani Tecbobolan.

Subalit nasawi ang 4 na pasahero. Patuloy namang inoobserbahan ang lagay ng driver ng sasakyan.

Nadamay rin sa aksidente ang 2 sasakyang nakagarahe sa tabing-kalsada, kung saan ang isa’y nabagsakan pa ng natumbang poste.

– Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.