Paslit sa Surigao del Norte nalunod sa sapa matapos mabitawan ng ina

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2021 06:48 PM

CLAVER, Surigao del Norte – Patay ang isang 6 taong gulang matapos siyang malunod sa sapa noong Linggo.

Sa imbestigasyon ng Claver police, sumama ang bata sa kanyang ina na nag-ani ng mga maliliit na sanga ng niyog sa bulubunduking bahagi ng Barangay Panatao. 

Nang pauwi na, may dalang mga maliliit na sanga ng kahoy ang ina na binabagtas ang sapa habang nakasunod naman ang bata pero natangay ito ng malakas na agos ng tubig.

Sa Purok 1 na narekober ang katawan ng biktima. 

Sinubukan pang i-revive ang bata at dinala sa Municipal Health Center ng bayan pero dineklara itong dead-on-arrival.

Bagamat hindi nag-landfall ang bagyong Auring sa probinsiya, nagdulot ito ng mga landslide habang may nasira ring tulay at mga palayan doon. –Ulat ni Charmane Awitan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.