Indian na may 'hangover', nakaaksidente; 2 patay, 6 sugatan

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2020 10:13 PM | Updated as of Feb 23 2020 11:29 PM

DAVAO CITY - Dalawa ang patay habang anim iba pa ang sugatan sa banggaan ng isang kotse at isang multicab sa bahagi ng Bukidnon-Davao Road sa Arakan, Cotabato Sabado ng hapon.

Patay ang isang lalaki at ang anak nitong lalaki na kapwa sakay ng multicab. 

Nasa kritikal na kondisyon din ang dalawa pang pasahero ng multicab habang isinugod rin sa ospital ang drayber ng kotse at 3 iba pang sakay nito.

Ayon sa mga nakakita sa insidente, mabilis at pa-ekis ekis na ang takbo ng kotse sa pababang bahagi ng kalsada.

Nakita rin ang bote ng beer sa loob ng kotse at napag-alamang may "hangover" ang lalaking Indian national na siyang nagmamaneho sa kotse.

"Hangover tsaka puyat kasi parang nag-joyride sila nung pauwi sila… Yung area kasi is 4 lanes, so ang takbo ng mga sasakyan is mabibilis. Pagdating sa unahan, may curve,” ayon kay Police Capt. Gaspar Maguiwe, officer-in-charge ng Arakan Police.

May mga nakalagay nang babala sa mga motorista sa pinangyarihan ng aksidente dahil marami nang naaksidente dito.

Kakasuhan ng reckless imprudence resulting to double homicide at physical injuries ang drayber ng kotse.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.