Estudyanteng ilang araw nang nawawala, natagpuang patay

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2020 05:56 PM

DIFFUN, Quirino - Hustisya ang panawagan ng mga kaanak ng estudyante na natagpuang patay sa isang palayan sa Barangay Isidro Paredes sa bayang ito Sabado ng umaga.

Dahil sa masangsang na amoy na nagmumula sa palayan, natunton ng mga residente ang bangkay ni Abbygail Tan, 20-anyos na estudyante ng Rosario National High School sa Santiago City, Isabela.

Nasa state of decomposition o naaagnas na ang bangkay at nakilala lang ng mismo niyang mga kaanak.

Sa paunang imbestigasyon, head injury o matinding pinsala sa ulo ang dahilan nang agarang pagkamatay ng biktima.

Magtatanghali noong February 17 ay nagpaalam sa kaniyang guro si Tan para umuwi sa kanilang bahay sa Barangay Manili, Santiago City.

Pero kinabukasan ay tanging ang motorsiklo na lang nito ang natagpuan sa gilid ng kalsada sa Four Lanes, Barangay Malvar, Santiago City.

Suot pa naman ng biktima ang kaniyang uniporme nang matagpuan siyang patay.

Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay para malaman kung possible itong napagsamantalahan bago pinaslang.

Nagtutulungan na ang Santiago City Police Station 1 at Diffun Police para malaman ang nangyari sa biktima at kung sino ang posibleng nasa likod ng kaniyang pagkamatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.