30 pamilya nasunugan matapos silaban ng lalaki ang sariling bahay

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2020 01:38 PM | Updated as of Feb 23 2020 06:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nasa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa Barangay Payatas A sa Quezon City nitong Linggo, na nagsimula umano nang silaban ng isang lalaki ang kaniyang sariling bahay.

Bandang 4:10 ng madaling araw nang maiulat sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog sa may Santan Street, na umabot hanggang ikatlong alarma. Nagdeklara namang fire out ang mga awtoridad bandang alas-6 ng umaga.

Isinisi ng mga residente ang sunog sa isa umanong lalaki na nag-amok at sinilaban ang sariling bahay. Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang naturang lalaki.

Iniimbestigahan ng BFP kung sinadya ng lalaki ang panununog at kung may sapat na ebidensiya ay maaari siyang makasuhan ng arson.

Bago nito, isang sunog din ang sumiklab sa Barangay San Bartolome, Novaliches bandang alas-11 ng gabi noong Sabado.

Nilamon ng apoy ang mga magkakatabing junkshop at talyer sa nasabing lugar.

Iniimbestigahan din ng BFP ang sanhi ng sunog sa Novaliches. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.