3 lalaki balik-kulungan dahil sa ‘shabu’ sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2020 01:46 PM

DAVAO CITY — Balik-kulungan ang 3 lalaki matapos mahuli sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa lungsod kung saan nasamsam ng mga awtoridad ang nasa higit P500,000 halaga ng hinihinalang shabu. 

Bandang 10:30 ng gabi noong Sabado, naaresto sa Bonifacio Street, Poblacion district sina alyas “Darwin,” 41, at “Rey,” 36, matapos makuhanan ng 2 paketeng naglalaman ng hinihinalang shabu.

Tinatayang nagkakahalaga ng P112,000 ang hinihinalang droga na nakumpiska sa 2 suspek.

Nakulong na noon ang 2 lalaki dahil sa kasong may kinalaman sa droga pero nakalaya dahil sa plea bargain, ayon sa pulisya. 

Natimbog naman sa isang operasyon sa Barangay Indangan, Buhangin District bandang alas-2 ng madaling araw ngayong Linggo ang isang 42 anyos na suspek dahil sa umano ay pagbebenta ng shabu.

Nasamsam umano sa suspek ang nasa 30 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P480,000.

Kalalaya lang ng suspek noong Disyembre 2019 matapos ma-dismiss ang kasong selling of illegal drugs. May 6 na taon siyang nakulong.

Muling haharap ang 3 suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -- Ulat ni Andoreena Causon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.