3 arestado sa pangingikil gamit ang pekeng warrant of arrest

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2020 06:09 PM

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya - Arestado ang isang overseas Filipino worker at dalawa pa nitong kasabwat dahil sa reklamong pangingikil ng isang ginang sa bayan na ito gamit ang pekeng warrant of arrest.

Kinilala ang mga suspek na sina Leny Concepcion, 42-anyos na OFW at tubong San Quintin, Pangasinan; Francisco Tuzon, 49-anyos na tricycle driver; at Jerome Alarcio, 28-anyos na trabahador.

Ayon kay Police Maj. George Maribbay, tinatakot ng mga suspek ang 37-anyos na biktima na kung hindi ito magbabayad ng utang ay ipaaaresto siya sa kinakaharap umanong kaso na estafa.

“Dun sa bitbit nilang warrant, itong mga suspek ang nakalagay na complainant. Meron din signatory na judge at nakalagay pa dun yung piyansa na P300,000. Pero nung i-verify natin sa Camp Crame, wala naman ganun na warrant of arrest,” dagdag pa ni Maribbay.

Idinaan na rin umano ng mga suspek sa pagdinig ng pamahalaang barangay ang kanilang reklamo kung saan nakipagkasundo ang biktima na magbibigay ito ng paunang bayad na P30,000.

Pero dahil duda ang biktima sa paratang laban sa kaniya ay nagsumbong din ito sa mga pulis na kinalaunan ay nagsagawa ng entrapment operation.

“Depensa naman nung isang suspek, 'yun lang daw ang naisip nilang paraan para makasingil dun sa biktima na may pagkakautang daw sa kaniyang pinsan,” sabi pa ni Maribbay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.