Guro sa Ilocos Norte inireklamo dahil sa pananakit sa mga estudyante

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2019 05:58 PM | Updated as of Feb 23 2019 06:15 PM

Inireklamo ang isang guro sa Batac City, Ilocos Norte sa pananakit sa kaniyang klase ng Grade 5.

Ayon kay Luis Gajeton, principal ng Hilario Valdez Memorial Elementary School, wala pang pormal na reklamo pero nagharap-harap na ang mga magulang at ang inaakusahang guro.

“Parang hindi inamin ng guro ang sabi niya yung mga bata nagpa-fabricate lang ng news," aniya.

Nagpasa na ang guro ng resignation letter.

Noong Hunyo ito naitalaga sa nasabing paaralan at galing ito sa Department of Education division ng lungsod.

Ayon sa isang opisyal sa DepEd, may history ng depression ang guro.

Wala sa paaralan ang guro at hindi mahagilap ng ABS-CBN News.

Ayon sa amang si alyas Joey, binabantayan niya ang kaniyang anak matapos umanong saktan ng isang guro noong Biyernes.

“Hindi ko puwedeng palampasin ito, kung nagkamali anak ko kahit pagalitan ko hanggang salita lang, hindi ko nagalaw hindi ko physically inaabuso," aniya.

Ayon sa anak ni Joey, pinalo siya sa ulo at binatukan nang makitang umiiyak.

Ayon sa ibang estudyante, sila ay pinalo, binatukan at binato pa ng libro at upuan ng guro.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.