Granada nakuha mula sa pasahero ng MRT

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2019 11:40 PM | Updated as of Feb 24 2019 06:31 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Inaresto ang isang lalaki matapos mahulihan ng granada sa MRT-Cubao Station nitong Sabado. 

Nasa loob ng kahon ng cellphone at balot ng packing tape ang live grenade nang makuha ito sa bag ng suspek na si Christian Guzman, 29, nang dumaan siya sa inspection area pasado alas-7 ng gabi, ayon sa pamunuan ng MRT.

Paliwanag ng suspek, nakuha niya ang granada sa bahay nila sa Basilan at plano niyang dalhin ito sa kaniyang kapatid na umano'y sundalo sa Tagaytay. 

"Na alarm lang ako kasi sa father ko, 'pag nalalasing nilalabas niya [iyung granada]... Ayoko lang po kasi magkaroon ng disgrasya sa 'min. Wala naman po ako intensyon galawin yung granada,"ani Guzman. 

Pero kinailangan umano niyang ihatid ang asawa sa airport kaya sumakay siya sa MRT. 

"'Di ako member ng kahit anong klase fraternities o ano man, matino po akong tao," giit niya. 

Nasa 12 hanggang 15 metro ang layo ng pinsalang kayang idulot ng nakumpiskang MK2 grenade, ayon kay Metro Manila police chief Director Guillermo Eleazar.

"We were quite alarmed last night. We'd like to check the background of the suspect. But we will still continue to conduct investigation," sabi ng opisyal. 

PINAIGTING NA PAGBABANTAY 

Kasunod ng insidente, hihigpitan ang seguridad sa mga istasyon ng MRT, ayon sa pamununa nito. 

"We ask the patience and cooperation of our passengers as we further tighten the security measures being implemented in our stations," sabi ng MRT management sa isang pahayag. 

"Please understand that these measures are being done to protect the safety and security of our passengers," dagdag nito.

Hinakayat din ng MRT management ang mga pasahero na maging alerto at iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang gamit, aktibidad o indibidwal. 

Nasa kustodiya anila ng Cubao police si Guzman na dadaan sa inquest para kasong illegal possession of ammunition and explosives ngayong Linggo. 

Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.