Dredging dry run sa baywalk sa Maynila, sinimulan na

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2019 10:33 AM

MANILA – Dumating na ang ilang heavy equipment sa baywalk sa Manila Bay para sa dry run ng dredging ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Sabado ng umaga.

Mayroon nang apat na malalaking truck ng buhangin at marami pang truck na nakaparada sa gilid ng Roxas Boulevard. Marami ring tauhan ng DPWH at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa lugar. 

Isasailalim ang baywalk sa dredging o paghuhukay para matanggal ang mga burak at mga nakatagong mga basura, bahagi ng programa para sa rehabilitasyon ng Manila Bay. 

Maliban sa mga heavy equipment, marami rin ang nagbo-volunteer para sa weekly clean-up drive sa baywalk. 

Ang unang phase ng dredging ay gagawin sa bandang US Embassy kaya pinapayuhan ang mga motorista at turista na iwasan muna ang parteng ito.

Ang ibang bahagi naman ng baywalk ay maari pang puntahan.

Sa Marso 3 pa pormal na sisimulan ang dredging.

Nagsimula ang Manila Bay cleanup noong Enero matapos punahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dumi ng tubig at basura sa baybayin nito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.