Bodega ng pagawaan ng karton sa Misamis Oriental, nasunog

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2019 02:09 PM

Gumamit pa ng forklift at bulldozer para mailbas ang waste materials na nasusunog nang mabuhusan ng buhangin. Angelo Andrade, ABS-CBN News

TAGOLOAN, Misamis Oriental – Naapula na ang sunog na sumiklab sa compound ng Corbox Corporation sa Barangay Sta. Cruz dito, Biyernes ng umaga.

Nagdeklara ng fire out ang Bureau of Fire Protection alas-8 na ng umaga ng Sabado matapos masunog ang nakatambak na waste materials mula sa ginagawang produktong karton ng kompanya.
 
Ayon sa plant manager na si Mario Narita, nagsimula sa kanilang bakuran ang sunog pero dahil sa hangin ay kumalat ito sa mga waste materials na nasa loob ng kanilang bodega.

"Ang planta ‘no smoking’ kaya wala tayong duda na sigarilyo ito, gate pa lang kinukumpiska na ang mga lighter, sigarilyo kaya hindi talaga natin alam ang dahilan ng sunog," ani Narita.

Umabot pa sa Task Force Bravo ang sunog kaya maging ang mga bombero ng kalapit na bayan ay rumesponde na rin.

"May chemicals na tayong ginamit, 'yung foam pero ang apoy nasa ilalim hindi maabot ng chemicals," sabi ni Fire Insp. Randy Obsioma.

Gumamit na rin ng bulldozer at forklift ang awtoridad para mailabas sa bodega ang nasusunog na waste materials nang mabuhusan ng buhangin.

Wala namang nasaktang empleyado sa sunog at inaalam pa ang dahilan at danyos na dulot nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.