'Basketball coach' tiklo sa buy-bust sa Iloilo; droga 'itinago' sa rubber shoes

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2019 04:03 PM

Nang inspeksiyonin umano ang gamit ng lalaki ay nadiskubre pa ang anim na pakete ng shabu sa loob ng kaniyang sapatos. Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

BAROTAC NUEVO, ILOILO - Arestado ang isang lalaki sa isang buy-bust operation sa bayan na ito, Sabado. 

Subject ng buy-bust operation ng Iloilo Provincial Drug Enforcement Unit at Barotac Nuevo Municipal Police Station ang 55 anyos na suspek na umano'y basketball coach sa ilang paaralan sa bayan. 

Nagtatrabaho din umano ang lalaki sa mayor's office ng Barotac Nuevo. 

Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap umano sila ng tip sa isang source na nagbebenta ang suspek ng droga. 

Nagpositibo umano ang suspek sa buy-bust nang bumili ang isang operatiba ng pakete ng hinihinalang shabu mula sa kaniya. 

Nang inspeksiyonin umano ang gamit ng lalaki ay nadiskubre ang anim pang pakete ng shabu sa loob ng kaniyang sapatos. 

Tumanggi ang suspek na nagtutulak siya ng droga bagama't aminadong dati siyang gumagamit nito.

Bineberipika ng mayor's office ng bayan kung nagtatrabaho nga ang suspek sa kanilang opisina. 

-- Ulat ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.