2 pulis sugatan sa engkuwentro sa Pasig; halos P3M halaga ng shabu nasabat

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2019 05:31 AM | Updated as of Feb 23 2019 01:45 PM

MAYNILA (UPDATED) - Nasa magkahiwalay na ospital ngayon ang 2 pulis na nasugatan matapos makipagputukan umano sa operatibang nagsagawa ng buy-bust operation sa Barangay San Joaquin, Pasig, Biyernes ng hapon.

Kinilala ang mga pulis na sina PO2 Marlou Roldan, na naka-assign sa Pasig Police Community Precinct (PCP) 9, at si PO3 Mark Vista, nakatalaga sa District Special Operations Unit ng Eastern Police District. 

"Hindi naman talaga sila main target ng conduct ng buy-bust. Unfortunately, 'yung participation nila para ma-consummate ang transaction, napakalaki," ayon kay Joel Plaza, National Capital Region director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kasama ng mga pulis ang target ng buy-bust na si Raymond Ryan Cruz, 35. Hindi alam ng mga taga-PDEA na pulis ang mga ito. 

Nagpakilala na lang na pulis si Roldan nang masugatan sa putukan pagkatapos ng transaksiyon.

Dinala si Roldan sa East Avenue Medical Center. 

Ayon sa Pasig Police, dating operatiba ng Station Drug Enforcement Unit si Roldan bago inilipat sa PCP 9 nitong buwan lamang.

Nakatakas ang sugatang si Vista na natunton din sa Rizal Medical Center sa Pasig.

Nakuha mula sa kay Roldan ang kaniyang issued service firearm at dala nitong motorsiklo na may 9 na sachet ng hinihinalang shabu. 

Nasabat naman sa target na si Cruz ang plastic pouch na may nasa 430 gramo o P2.9 milyong halaga ng shabu. Tumanggi si Cruz na magbigay ng pahayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.