Suspek sa away sa pag-iimis sa kinainan, sumuko na

Kim Lorenzo II, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 07:29 PM

Hawak na ng pulisya ang suspek na bumaril at nakapatay sa kanyang katrabaho dahil lamang sa di pagkakaunawaan hinggil sa paghuhugas ng kinainan sa Ilocos Norte. Kim Lorenzo II, ABS-CBN News

ILOCOS NORTE – Sumuko na sa awtoridad ang suspek na bumaril at nakapatay sa kanyang kasama sa trabaho dahil lamang sa away sa paghuhugas ng kinainan.

Unang sumuko ang suspek na si alyas “Joey”, 39 anyos, kay Barangay Chairman Helen Abrigado ng Barangay Ferdinand nitong Huwebes.

“Sumuko siya sa kaniya at sinamahan siya ni Kapitana sa atin. Sa pakikipag-usap natin sa suspek ay inamin niya na nagawa niya iyon,” pahayag ni Senior Inspector Joseph Calderon.

Si Joey ang itinuturong bumaril at nakapatay kay Marcial Barid, na kapwa nagtatanim ng kahoy sa nursery sa Barangay Cacafean.

“Nag-inuman sila at nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa paghuhugas ng pinagkainan. Ayon sa pakikipag-usap ko sa suspek, lagi raw niya pinagsasabihan ang biktima na hugasan man lang yun pinagkainan niya pero hindi raw ito nakikinig,” dagdag ni Calderon.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na maghain ng reklamo laban sa suspek.

Ayon sa asawa ng biktima na si Madeline, hinamon ng suspek ang kaniyang mister.

“Pinagagalitan ng mister ko yun dalawang anak ko dahil hindi nila hinugasan yun pinagkainan pero ang dinig ng suspek ay siya ang pinariringgan ng mister ko kaya naghamon at binaril na lang siya,” sabi ng ginang.

Hawak na rin ng pulisya ang ginamit na baril ng suspek na isang kalibre .30 matapos marekober sa crime scene ang isang basyo nito.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder at pag-iingat ng di lisensiyadong baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.