Supply ng NFA rice sa Baguio, Benguet hanggang Marso na lang

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 01:58 AM

Kuha ni Noel Gapasin

Hanggang Marso na lang aabutin ang supply ng National Food Authority (NFA) rice sa Baguio at Benguet, ayon sa ahensiya.

Sa inventory ng NFA Region 1, nasa 62,000 sako na lang ng bigas ang natitira para sa buong rehiyon kasama ang Baguio, Benguet at Abra.

“We will retain a certain volume until June and we will stop selling to the retailers," ani Piolito Santos, regional director ng NFA Region 1

Sa 62,000 sako, 13,000 ang para sa Baguio at Benguet. Ang iba, hindi pwedeng ibenta dahil irereserba sakaling magkaroon ng sakuna.

“After March kung wala kaming ibebenta sa mga retailers, stop na kami sa mga retailers, basta i-preserve lang namin iyung 5,000 bags," ani Santos.

Ibig sabihin, 8,000 sako na lang ang maaaring ibenta ng retailers. Tig-tatlong kilo pa rin ang ibebenta kada mamimili. Ayon sa mga retailer, mapipilitan silang magtaas ng presyo ng commercial rice sakaling maubos na ang NFA rice.

“Wala kami magagawa. Ang magagawa lang namin ay mag-apela sa taas na mag-padala sila ng NFA rice hindi yung paghandaan lang nila yung kalamidad," ani Erlinda Dacanay, NFA rice retailer.

Ito'y dahil NFA rice umano ang bumabalanse sa presyo ng mga bigas. Humiling naman na daw ang NFA ng karagdagang 250,000 metric tons pero sa Hunyo pa ang dating nito.

“Our management already requested for bidding for 250,000 metric tons however 8% lang ang mapupunta sa Ilocos Region and that only be good for 9 days," ani Santos.

Magsisimula lang daw ulit silang makapagbenta ng NFA rice sa retailers pagdating ng Hulyo. Wala naman daw dapat ikabahala dahil sapat pa rin ang suplay ng ibang uri ng bigas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.