OFW na napaulat na 'comatose' sa Kuwait, balik-bansa

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 10:35 PM | Updated as of Nov 11 2019 03:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi totoo ang kumalat na balitang may overseas Filipino worker (OFW) na comatose sa Kuwait dahil sa pang-aabuso ng kaniyang amo.

Ito'y matapos magpakita mismo ang sinasabing biktima na si Noriza Manambit, paglapag niya mula Saudi Arabia, kay Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Biyernes. 

Si Manambit ay napaulat na nakaratay sa isang ospital sa Kuwait at comatose, ayon sa viral na Facebook post.

Na-rescue si Manambit ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) sa Dammam, Saudi Arabia at nakauwi ng bansa ngayon lamang Biyernes. 
    
Aniya, wala siyang kaalam-alam na may balitang siya ay may malalang sakit sa Kuwait. 

"Hindi ko po alam na may balita tungkol sa akin," ani Manambit, na hindi pa raw nakatutuntong ng Kuwait kahit kailan.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, sinuyod ng kaniyang mga tao sa Kuwait ang ospital kung saan umano nakaratay si Manambit. Pero hindi nila ito natagpuan doon.

"Pinuntahan din ng mga tao natin sa Kuwait ‘yung ospital mismo, kasi natukoy naman ‘yung ospital, at for good measure wala rin namang nakitang Pinay doon na comatose kasi baka mistaken identity...So in other words, talagang fake news," ayon kay Cacdac.
    
Malawakang deployment ban?

Ayon naman kay Bello, apat na bansa sa Gitnang Silangan ang pupuntahan ng kaniyang binuong team para pag-aralan ang sitwasyon ng mga Pinoy doon, lalo na ng mga household service wrokers (HSWs) at kung dapat bang isama ang mga bansang ito sa deployment ban.

"Umalis na kagabi (Huwebes) ang team [going to] Oman, Qatar, Saudi...Ito ang mga bansang may pinakamaraming report na abuses, pag-aaralan nila kung dapat bang isama sa deployment ban yun," ani Bello.

Pero tiniyak ni Bello na malapit nang mabuo ang kasunduan sa Kuwait para mapangalagaan ang mga OFW doon.

Gayon pa man, tuloy pa rin ang ban hanggang sa ngayon, bagama't posible na ring alisin ang ban sa mga skilled workers.

"Sa MOU (Memorandum of Understanding), hindi na puwedeng hawak ng employer ang passport, papayagan na ring makapag-cellphone ang OFW para makapag-report agad sila sa Embassy [in case of abuse]," paliwanag ni Bello. 

Uminit ang usapin tungkol sa kalagayan ng mga OFW sa Gitnang Silangan matapos ang malagim na sinapit ni Joanna Demafelis, ang Pinay HSW na natagpuang patay at nakasilid sa freezer sa Kuwait.

--Ulat ni Henry Omaga-Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.