Mga nagha-hunger strike sa People Power Monument, pinapaalis na ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 08:20 AM | Updated as of Nov 06 2019 03:34 PM

FILE: Nag hunger strike ang mga miyembro ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA) sa EDSA People Power Monument ilang araw bago ang ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power. Panawagan ng grupo na ipatupad ang land reform at tutulan ang charter change. February 21, 2018. Jonathan Cellona, ABS-CBN News.

Inaasahang paalisin na sa EDSA People Power Monument ngayong Biyernes ang grupong nagsagawa ng hunger strike sa lugar.

Inilunsad ng grupong PAKISAMA ang "Dasal at Ayuno Laban sa Cha-Cha" noong nakaraang linggo kung saan nag-camp out sila sa People Power Monument sa kahabaan ng EDSA. Nakatakda sanang matapos ang 9 araw na pag-aayuno sa Sabado, isang araw bago ang ika-32 anibersaryo ng 1986 EDSA revolution. 

Ngunit ayon kay Fr. Robert Reyes, inabisuhan na sila ng gobyerno na kailangan na nilang umalis sa lugar dahil gagamitin ito sa ilang event para sa paggunita ng EDSA People Power.

Giit ni Reyes, handang tumabi ang grupo mula sa gitna ng People Power Monument ngunit humirit ito na sana'y magkaroon pa rin ng espasyo para sa kanila.

Watch more in iWant or TFC.tv

Aniya, maaaring gamitin ng lahat ang EDSA People Power Monument dahil hindi lang ito para sa mga programa ng gobyerno.

Samantala, nasa 800 pulis ang ide-deploy sa EDSA People Power Monument, EDSA Shrine at iba pang kalapit na lugar para siguraduhin ang seguridad ng publiko sa paggunita ng anibersaryo ng EDSA People Power.

Ayon kay C/Supt. Reynaldo Biay, hepe ng Eastern Police District, wala pa silang namo-monitor na banta sa anibersaryo ng EDSA ngayong Linggo kung saan inaasahan na dadalo ang libo-libong Pilipino.

- ulat mula kay Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.