Mga bahagi ng Marcos Highway, 8 buwan isasara

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 08:45 PM | Updated as of Feb 24 2018 12:34 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sisimulan nang itayo ang isang istasyon ng LRT-2 sa Marcos Highway kaya magsasara ang maraming bahagi ng nasabing kalsada simula sa darating na Linggo, Pebrero 25.

Nakipag-coordinate na sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga apektadong local government unit (LGU) ang contractor ng LRT-2 extension project na DMCI. 

Mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw isasara ang westbound lane, o iyong daan mula Antipolo papuntang Cubao kaya't tatlo sa limang lanes na lang ng Marcos Highway ang puwedeng gamitin ng mga motorista.

Ang dalawang rightmost lane, kakainin naman ng mga heavy equipment ng DMCI.
    
Maglalagay ng zipper lane para sa mga sasakyang eastbound o iyong pa-Antipolo.
    
Kahit noon pang walang construction ang LRT sa lugar ay kilala na ito sa labis na traffic kaya pinayagan lamang gawin ang konstruksiyon tuwing madaling araw. 

Salitan ang pagsasara ng westbound at eastbound lanes, depende kung saan magbubuhat ng kanilang heavy equipment at magtatayo ng beams ang contractor.

Linggo hanggang Huwebes ay may road closure mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, at kapag Biyernes ay hatinggabi hanggang alas-5 ng umaga ang pagsasara.

Kapag Sabado ay isasara ito ng alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

Alternate routes ang Sumulong Highway, Ortigas Extension, Marikina, at Sta. Lucia.
    
Ang ilang subdivision sa area, magbubukas ng mga gate kaya puwede ring daanan. 
    
Sabi pa ni MMDA General Manager Jojo Garcia, magiging istrikto sila sa 11 p.m.-4 a.m. na schedule ng paggawa para hindi matinding perwisyo ang abutin ng mga motorista.

Pati ang DMCI, sinigurong aayusin ang trabaho para hindi maantala ang pagtapos sa proyekto. 

"Bago kami mag-implement ng isang activity, approved ng lahat ng parties 'yan to make sure na maiwasan 'yung sinasabing mga hindi inaasahan," pagtitiyak naman ni Engineer Nilo Rey ng DMCI.
    
Araw-araw ay nasa 116,000 ang mga sasakyang dumadaan sa Marcos Highway.

Sa Oktubre inaasahang matatapos ang mga itatayong beams kaya halos walong buwan magtitiis ang mga motorista sa mga road closures.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.