Higit P1.2-M halaga ng 'shabu', nasabat sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 07:04 AM

Isay Reyes, ABS-CBN News

Nasabat ang higit P1.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Quezon City.

Inaresto rin ang 2 lalaki na umano'y mga big time drug pusher.

"High-value target sila. Isa sa mga pinakamalaking tulak," ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng Quezon City Police District.

Matagal nang minanmanan ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ang mga suspek.

Nang magpositibo ang transaksiyon, sumugod ang mga operatiba sa sasakyan ng mga suspek.

Narekober mula sa isang messenger bag ang ilang bulto ng hinihinalang shabu.

Ihahatid umano sana ito sa iba't ibang bahagi ng Quezon City, Pasig, at Maynila kung hindi naunahan ng QCPD-DDEU.

Tubong Lanao del Sur ang 2 suspek na naninirahan na ngayon sa Maynila.

Pinabulaanan naman ng mga suspek na sangkot sila sa pagtutulak.

Pero ang sasakyan na gamit nila ay positibong pagmamay-ari ng isa sa kanila.

Ayon sa mga operatiba, madulas umano kumilos ang 2. 

Sa loob ng sasakyan umano ito madalas nakikipagtransaksiyon sa kanilang mga parokyano. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.