'Battery Killer', tiklo sa Baguio

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 12:34 AM

BAGUIO CITY - Arestado ang isang lalaki matapos itong maaktuhang nagnanakaw ng baterya ng isang trak sa Barangay Trancoville, Baguio City Huwebes ng madaling araw.

Napansin ng security guard na si Eduardo Cutillon na may ibang tao sa plantang kanyang binabantayan bandang 4:15 ng madaling araw.

"Nakita ko na parang may gumagalaw dun sa may basurahan nakita ko na may nagbabaklas ng baterya," aniya.

Naaktuhan niya itong nagnanakaw ng baterya ng trak na ginagamit nila pang deliver. Sakto daw na may rumorondang mga pulis sa kanilang lugar kaya ini-report niya kaagad ito para maimbestigahan.

Nakumpiska sa lalaki ang bateryang nagkakahalaga ng P4,410. Nakumpiska rin ang mga ginagamit niyang pangtanggal sa mga baterya. 

Ayon sa pulis, ito na ang pangalawang beses na nahuli ang suspek.

“Tinawag kong 'Battery Killer' kasi last year nahuli din naman yan sa P. Burgos nagnakaw ng baterya sa sasakyan. However di na nagsampa ng complaint," paliwanag ni police Chief Inspector Gil Imado, hepe ng Baguio City Police Office Station 2.

Maaari daw na may iba pang nabiktima ang “Battery Killer” sa ibang parte ng Baguio City kaya nananawagan sila sa ibang nabiktima nito.

“Pumunta dito sa Station 2 para ma-identify 'yung suspek at makapag-file tayo ng kaso," dagdag ni Imado.

Itinanggi naman ng suspect ang ibinibintang sa kanya. Aniya, nagjo-jogging lang daw siya.

"Di ko po kinuha iyun, nasa tabi ko lang po iyun," ayon sa suspek.

Kasalukuyang nakakulong sa Baguio City Jail ang suspek at nahaharap sa reklamong theft.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.